| 
agkatapos ng Startalk last Saturday ay dumiretso na si Lorna Tolentino sa set ng Mano Po 5: Gua Ai Di sa Ayala-Alabang. 
Yes, kumpirmado nang si LT ang gaganap sa role na Yolanda (mother ni Angel Locsin), na dating kay Dina Bonnevie.
Ayon kay LT, last Friday lang na-finalize ang negosasyon between Mother Lily Monteverde, Regal producer, and her manager, Lolit Solis, kaya the following day, sabak na siya agad sa shooting.
Nilinaw ni Lorna na wala siyang sinulot na proyekto kay Dina dahil unang-una, nag-back-out ang huli, at pangalawa, bago raw si Ms. D., sa kanya unang inalok ni Mother ang role na Yolanda.
“May mga bagay lang na hindi pinagkasunduan sina Mother at 'Nay Lolit kaya hindi ako natuloy. Then, nu'ng nagkasakit na nga si Dina, bumalik si Mother kay 'Nay Lolit and finally, nagkaayos na rin sila,” pahayag pa ni Lorna.
Nang nalaman nga raw niya na kay Dina na ang role, tanggap niya 'yun at sinabi na lang sa sarili na siguro'y hindi para sa kanya ang pelikula.
Hindi pa raw sila nagkakausap at nagkikita ni Dina mula nu'ng Mano Po 2 days pa, kung saan ay nag-agawan din sila sa role ng 3rd wife.
But she'd like to believe na walang problema sa pagitan nila, lalo pa nga't kumare niya ito dahil inaanak ni Dina ang anak ni Lorna, si Renz.
Nilinaw din ni LT na bago niya tinanggap ang role, siniguro muna niyang talagang nag-back-out na si Ms. D. para wala silang maging problema.
* * *
Walang masyadong nakapansin na tsinugi na pala si Victor Neri sa Super Noypi. Kaya pala hindi na namin siya nakikita sa mga press visit ng movie at maging sa cast pictorial, gayung noong story conference, naroroon siya.
Ayon sa aming source, tinanggal si Victor sa cast dahil hindi raw sumisipot sa shooting. Alangan naman daw na hintayin ito nang hintayin gayung may hinahabol na deadline at marami namang artistang puwedeng pumalit.
Pinalitan siya ni Monsour del Rosario, that's why, sa pictorial ay ang taekwondo expert na ang aming nakita.
* * *
Sa Mano Po 5 naman, hindi lang pala si Dina ang napalitan, kundi maging si Joel Torre bilang ama ni Angel Locsin
Sa storycon ng pelikula, si Joel nga ang nakita namin, pero sa shooting last Saturday, nagulat kami na si Tirso Cruz III na ang gumaganap na ama ni Angel.
Hindi raw malaman kung nag-back-out din si Joel o tsinugi sa cast sa hindi pa malamang kadahilanan.
Bago si Pipo, inalok daw kay Jay Manalo ang role, pero hindi tinanggap ng manager niyang si Manny Valera dahil hindi umano ganu'n kamarkado ang role para sa status ng aktor.
* * *
Pangatlo na palang Mano Po series ni Boots Anson-Roa ang Gua Ai Di at pang-120 namang pelikula. Eleven years pa raw siyang nawala sa showbiz dahil nanirahan sila ni Pete Roa at mga anak sa Amerika.
Nakasama si Boots sa Mano Po 1 and 3, pero sa tantiya niya, mukhang pinakamaganda, so far, ang fifth version. Puring-puri niya si Direk Joel Lamangan na napaka-brilliant ng ideya.
She cited an example wherein may eksena sila sa isang malaking kitchen na napakaganda raw ng set-up. Ang tagal ng paghahanda na ginawa sa set pati rehearsals. Pero nang kunan na, sandali lang trinabaho ni direk, pero ang ganda-ganda ng pagkakakuha.
“Ang ganda-ganda talaga, I don't know kung paano niya nagawa, moving ang lahat ng camera, nakunan nang buo 'yung pagkain and yet, sandali lang niya ito ginawa,” kuwento ni Tita Boots.
Ginagampanan niya sa Mano Po 5 ang papel na lola ni Angel at big scene ang kukunan that day, kung saan may gathering ang buong pamilya.
- -
|